1.4 milyong benepisyaryo ng 4Ps, nag-exit na sa programa – DSWD


Angie dela Cruz — Pilipino Star Ngayon

August 10, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pumalo na sa 1.4 milyong pamilyang Pinoy ang nag-exit na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) makaraang maging self sufficient o nakaahon sa kahirapan.

Ayon kay Director Gemma Gabuya ng 4Ps National Program Management Office (NPMO) ng DSWD, ang 1.4 milyong 4Ps beneficiaries ay naging self-sufficient at nasa above poverty threshold na ang estado ng buhay sa ilalim ng Administrasyong Marcos.

Nasa 12.2 milyong elementary at 4.5 milyong high school graduates na rin ang nakakuha ng kani-kanilang academic diplomas dahil sa naturang programa.

Mula sa 1.4 milyong 4Ps na umahon na sa buhay, nasa 700,000 pamilya rito ang naka-graduate sa programa mula Enero hanggang Marso 2025.

“Ang ginagamit pong batayan kung bakit sila nag-graduate ay ang social welfare and development indicators (SWDI). Ito po ay sukatan kung saan tinitignan kung ano yung status ng kanilang economic condition. Masaya kaming ibalita na meron tayong 39,797 na [board passers from 2019-2025] na talagang naging professional, nagsikap na makapagtapos ng pag-aaral kahit wala na po ang 4Ps grants at may mga board topnotchers pa,” dagdag ni Gabuya.

Oras na mag-exit sa programa ang 4Ps ay isang taon silang susubaybayan ng DSWD at kung may pangangailangan ay tutulungan sa ibang programa ng ahensiya tulad ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) at partner LGUs.