11 Pinoy kulong sa Nigeria sa internet fraud, cyber terorrism


MANILA, Philippines — Labing-isang Filipino ang sinentensyahan ng Nigerian court dahil sa “cyber-terrorism” at “internet fraud”.

Base sa ulat, ang nasabing kaso ay maituturing na isa sa pinakamalaki sa kasaysayan ng nasabing bansa.

Sa ulat ni Dele Oyewale, spokesman ng Economic and Financial Crimes Commission (EFCC), 11 Filipino, 2 Chinese, isang Malaysian at isang Indonesian ang nahatulan ng isang taon na pagkakakulong at multang isang milyon naira ($630) bawat isa matapos mag-plead ng guilty.

Ang mga nasentensyahan ay inakusahan na nagre-recruit ng mga kabataang Nigerians para sa identity theft at ipinapakilala ang kanilang mga sarili bilang mga dayuhan.

Sinabi pa ni Oyewale na ipinag-utos ng Judge na may hawak ng kaso na ang na-recover na mga  device ay kumpiskahin ng Federal government ng Nigeria.

Ang Nigeria ay may reputasyon para sa mga manloloko sa internet o mas kilala sa kanila bilang “Yahoo Boys”.

Sinabi pa ng EFCC na ang mga dayuhang gangs ay nagre-recruit ng mga Nigerians bilang kasabwat para makahanap ng biktima sa online sa pamamagitan ng phishing scams kung saan karaniwang nanloloko sila para makapag-transfer ng pera o magbibigay ng mga sensitibong impormasyon tulad ng passwords.

Karaniwang target nila ay Americans, Canadians, Mexicans at Europeans.