17 tripulante ng MV Magic Seas, nakauwi na sa Pinas


MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na lahat ng 17 tripulanteng Pinoy ng MV Magic Seas, na inatake kamakailan ng mga rebeldeng Houthi, ay ligtas nang nakauwi ng Pilipinas.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang anim sa mga naturang tripulante ay dumating sa bansa noong Biyernes pa habang ang 11 iba pa ay lumapag naman sa NAIA Terminal 3 nitong Sabado lamang ng gabi.

Ayon kay Cacdac, ang lahat ng mga umuwing seafarers ay pagkakalooban ng DMW ng kinakailangang tulong at suporta mula sa kanilang “Aksyon Fund,” kabilang na rito ang tulong medikal at pinansiyal.

Una nang iniulat ng DMW na 17 tripulanteng Pinoy at dalawang dayuhan ang nakaligtas sa pag-atake ng mga rebeldeng Houthi sa kanilang sinasakyang barko noong Hulyo 6.

Naglalakbay umano ang MV Magic Seas sa may 51 nautical miles timog Silangan ng Hodeidah, Yemen nang atakin ng mga rebelde.

Matagumpay naman na nasagip ng dumaraang container ship na Safeen Prism ang mga nakatakas na tripulante.

Samantala, tiniyak din ni Cacdac na ipinagpapatuloy ng pamahalaan ang paghahanap sa 13 tripulanteng Pinoy na kabilang sa 22 tripulante na lulan ng lumubog na MV Eternity C sa Yemen, na inatake rin ng mga rebeldeng Houthi ka­makailan.

Ang walo nilang kasamahan ay una nang nailigtas at ngayon ay nasa maayos ng kalagayan.