MANILA, Philippines — Tiwala ang dalawang lider ng Kamara na papanigan ng Korte Suprema ang legalidad ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kasabay ng paggiit na mahigpit ang kanilang naging pagsunod sa ‘due process’ sa ginawa nitong paghahain ng reklamo sa Senate Impeachment Court.
“Confidently, I can say na wala pong nilabag ang HOR o kung anuman ang nababato or minsan nga parang counter na lang ‘yun eh, para lang may, ma-delay po ‘yung mga proceedings,” pahayag ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V.
Pinabulaanan ni Ortega ang mga alegasyon na may nilabag na proseso ang Kamara, binigyang-diin na anumang hamon sa impeachment ay isang istratehiya lamang upang maantala ang proseso.
Kinatigan naman ni House Assistant Majority Leader Rep. Jay Khonghun na iginiit na isinagawa ang impeachment process nang may ganap na pagsunod sa mga legal na pangangailangan at alituntunin ng Saligang Batas.
“Siyempre, we leave it up to the decision ng ating SecGen,” sagot ni Khonghun nang tanungin kung tumugon na ang Kamara sa SC na iginiit na maingat namang sinunod ng Kamara ang proseso, tiningnan at pinag-aralan itong mabuti bago ihain sa Senado.
Binigyang-diin din ni Khonghun na mukhang sinasadyang pinatatagal ng kampo ng VP Duterte ang impeachment process gamit ang mga legal na hakbangin.
“Napakahirap ipaliwanag lalong-lalo na ‘yung mga kakulangan at saka mga nagawang kalokohan doon sa kaniyang opisina sa DepEd at saka sa Office of the Vice President,” giit ng solon.
