MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may panibagong apat na mga sako ang natagpuan sa patuloy na search and retrieval operations ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa nawawalang mga sabungero, sa Taal Lake.
Ani Remulla, dalawa sa apat ay naglalaman ng mga buto at dalawa naman ay buhangin na pabigat para pampalubog.
Ang mga sako ay narekober sa bahagi ng bayan ng Laurel, ang lugar na itinuro ng source, na bahagi ng ibinunyag ni alyas “Totoy” o Julie “Dondon” Patidongan.
Natukoy mula sa mga buto ang bahagi ng ribs ng tao bagamat hindi pa madetermina kung ilang tao ang posibleng kasama sa mga natagpuang buto.
Nasa kustodiya na ng Forensic Team ang mga narekober na buto at iba pang ebidensya para isasailalim sa pagsusuri.
Samantala, handa ang DOJ na ipatigil ang paghahanap sa mga nawawalang sabungero matapos magpamalas ng usok ang Bulkang Taal sa naganap na minor phreatic eruption, kahapon ng hapon.
Sinabi ni Remulla na kung magiging balakid at panganib sa kalusugan ng mga nagsasagawa ng search at retrieval ay posibleng ipahinto muna ang operasyon.
