20th Congress nagsimula na | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Opisyal nang nagsimula kahapon ng 12:01 ng hapon, ang 20th Congress na inaasahang didinig sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Katulad ng nakagawian, inihain na rin ng mga senador ang kani-kanilang panukalang batas na isusulong sa kasalukuyang Kongreso.

Una rito, nagkasundo na hindi magsasabay-sabay ang mga senador sa paghahain ng kanilang unang 10 panukalang batas. 

Nauna na sa inilabas na listahan para sa first round si Sen. JV Ejercito na sinundan nina Senators Robin Padilla, Pia Cayetano, Panfilo Lacson, Joel Villanueva, Senate President Francis “Chiz” Escudero at Rodante Marcoleta na susundan ng iba pang senador.

Sa second round ng paghahain ng mga panukalang batas ay mangunguna naman si Sen. Joel Villanueva na susundan ni Sen. Erwin Tulfo.

Samantala, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na base sa kanyang narinig ay manunumpa na sa harap ni Escudero ang mga bagong senador na uupo bilang mga senator-judges sa impeachment trial ni Duterte.

Kinumpirma ni Tulfo na hindi siya kabilang sa mga mambabatas sa House of Representatives na lumagda para ma-impeach si Duterte dahil sa posibilidad noon na maupo siya bilang judge sa trial.

Kabilang si Tulfo sa mga senador na naniniwalang dapat magkaroon ng trial upang malaman ng mga mamamayan kung ano ang pinagbatayan ng kaso laban sa bise presidente.