2,923 tiklo sa election gun ban


MANILA, Philippines — Dalawang araw bago ganapin ang midterm election, umaabot na sa 2,923 katao ang ­naaresto ng mga awtoridad kaugnay ng paglabag sa gun ban, ayon sa ­Philippine National Police (PNP) nitong Sabado.

Sinabi ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Jean Fajardo na karamihan sa mga naaresto sa gun ban ay mula sa Metro Manila na nasa 1,007 na sinusundan ng Central Visayas na nasa 380 katao habang ­pumapangatlo ang Central Luzon na nasa 360.

Kabilang naman sa mga nasakote sa gun ban ay 19 PNP personnel, 18 sa AFP, pito mula sa iba pang law enforcement agencies, 9 elected government officials, 2 appointed government officials, 6 CAFGUs, 13 dayuhan, tatlong meno-de-edad, 3 pinaghihinalaang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at 48 security guards.

Ayon sa opisyal, pinakamarami sa mga nasakote ay mga ­sibilyan na umaabot sa 2,795.

Naitala naman sa 3,011 mga armas ang nakumpiska.

Inihayag pa ni Fajardo patuloy naman ang kanilang operasyon laban sa mga kaso ng vote-buying at nanawagan sa netizens na i-report ang anumang insidente sa mga awtoridad.

Ipinatupad ang gun ban noong Enero 12 sa pagsisimula ng election period.