30 taon kulong, parusa sa crimes against humanity


MANILA, Philippines — Hanggang 30 taong pagkabilanggo ang parusang nakalaan sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na crimes against humanity na may kinalaman sa madugong war on drugs ng kanyang administrasyon.

Bagaman at inaasahang tatagal ang paglilitis na kanyang kakaharapin sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, may posibilidad din na makabalik ito ng bansa kung mapapatunayang walang kasalanan o kaya naman ay magdesisyon ang ICC na wala itong jurisdiction sa kaso.

Kabilang sa legal na prosesong pagdaraanan ni Duterte ang pagharap sa Pre-Trial Chamber kung saan pormal na ipapaalam sa kanya ang mga kinakaharap na kaso.

Inaasahan na ring kukuwestyunin ng depensa ang jurisdiction ng ICC dahil umalis na ang Pilipinas sa ICC noong 2019.

Kahapon (Miyerkules) inaasahang lalapag ang eroplanong nagdala kay Duterte sa Netherlands.

Ang detention unit ng ICC ay nasa Scheveningen at bahagi ng Dutch prison.

Sa ulat ng ABS-CBN, may lima pang ibang preso ang ICC.

Kaugnay nito, ipinaalala ni dating Senator Panfilo Lacson na si Duterte ay isang Pilipinong humaharap sa isang International Court at katulad ng lahat ng Pilipino na nililitis o nahatulan na dapat itong suportahan ng pamahalaan.