MANILA, Philippines — Umaabot sa 329 tauhan ng Philippine Army ang minobilisa nitong Sabado bilang bahagi ng contingency at standby force sa National Capital Region (NCR) kaugnay ng halalan sa Lunes, Mayo 12.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Lt. Col. Louie Dema-ala, ang contingency force ay kinabibilangan ng tropa ng Civil Disturbance Management (CDM), k9 Explosive Ordnance Disposal (EOD), Medical and Chemical, Biological, Radiological and Nuclear (CBRN) teams.
Nasa 31 assets din tulad ng mga military trucks at ambulances ang naka-standby. Isinailalim naman sa blue alert ang Philippine Army Emergency Response Companies (ERCs) simula Mayo 11-14, 2025 upang tumugon sa anumang emergency sa panahon ng eleksiyon.
Una nang nagdeploy ang Philippine Army Major Units ng 23,591 personnel para gumanap ng election duties sa buong bansa habang nasa 21, 509 ang inilagay sa standby alert simula pa Mayo 9.
“We are committed to maintaining national stability by continuing our operations against threat groups while also assisting with the transport of poll materials and ensuring the safety of election personnel,” pagtiyak ni Army Chief Lt. Gen Roy Galido.