4 Pinoy nawawala sa Myanmar quake


MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may apat na Pilipino sa Myanmar ang nawawala sa Mandalay City, matapos ang 7.7 magnitude na lindol noong Marso 28, 2025.

“According to the ­latest data, four are unaccounted for,” ani DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega sa panayam ng radio.

Pawang propesyunal na nagtatrabaho sa opisina o guro ang apat na nawawala, kabilang ang sinasabing mag-asawa na nakatira sa gumuhong gusali.

Sinabi ng Embahada ng Pilipinas sa Myanmar na nangangalap pa sila ng ­impormasyon sa estado ng lahat ng apektadong Pilipino upang matukoy ang mga pangangailangan, kabilang ang pag-deploy ng isang team sa ground para magsagawa ng welfare checks.

Para naman sa Thailand, na naramdaman din ang malakas na lindol, sinabi ni De Vega na walang Pinoy na nasawi.

Noong Sabado, pinabulaanan ng Embahada ng Pilipinas sa Bangkok ang mga pahayag na 10 Pilipino ang namatay sa magnitude 7.7 na lindol na tumama rin sa Thailand noong Biyernes.

Walang Pilipino sa Thailand ang humingi ng tulong matapos ang lindol sa Myanmar na tumama sa Bangkok, ayon sa Philippine Embassy doon.

Ang bilang ng mga namatay sa Myanmar mula sa lindol ay lumampas sa 1,600, ayon sa ilang mga ulat.

Naghahanda na ang gobyerno ng Pilipinas ng humanitarian aid kasama ang Office of Civil Defense na nakikipag-ugnayan sa mga pagsisikap na suportahan ang mga biktima.

Nagpahayag din ng pakikiisa si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa Myanmar at nangako ng mabilis na tulong, habang inihanda ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang tatlong Philippine Emergency Medical Assistance Teams para sa deployment kapag nakumpleto na ang mga international protocol.