6 nasawi kay Crising, habagat


Higt 1 milyong katao apektado

MANILA, Philippines — Umaabot na sa mahigit 1 milyong katao ang ­apektado habang tumaas na sa anim ang death toll sa matinding pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan na ibinuhos ng bagyong Crising at habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa ipinalabas na situational report dakong alas-8 ng umaga nitong Martes, ang pang-anim na nasawi ay naitala mula sa MIMAROPA ( Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan).

Una nang napaulat ang pagkasawi ng tatlo katao mula sa Northern Mindanao habang tig-isa sa Davao at Caraga Regions.

Inaasahan namang tataas pa ito habang hinihintay pa ang report mula sa mga rehiyon kaugnay ng masusing pag-validate sa insidente ng pagkamatay at sertipikasyon ng Department of Health (DOH).

Nasa anim naman ang nawawala habang anim pa ang nasugatan.

Pumalo na rin sa 362,465 pamilya o 1,266,322 katao ang naapektuhan mula sa 17 rehiyon sa bansa.

Naitala naman sa P54 milyon ang pinsala sa agrikultura, pinakamataas sa MIMAROPA sa P44 milyon.

Ang pinsala sa imprastraktura ay nasa P413 milyon kabilang ang P299 milyon na tinamo ng Ilocos Region at P112.8 milyon sa Western Visayas.