MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) ang anim na senatorial candidates at nasa 34 party-list groups, bunsod ng pagkakaroon umano nila ng illegal campaign materials.
Pinadalhan na ng Comelec ng show cause orders (SCOs) ang mga naturang kandidato para sa May 12 national and local elections dahil sa umano’y paglabag sa ipinadala nilang notice to remove illegal campaign materials.
“May anim na kandidato para pagka-senador at mahigit 34 na party-list groups ang napadalhan ng show cause orders,” anunsiyo ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco.
Sa ngayon aniya ay hinihintay pa ng poll body ang tugon ng mga naturang kandidato, kung bakit hindi sila dapat na sampahan ng election offense at madiskuwalipika sa halalan.
Ani Laudiangco, “Tinitingnan namin ang kanilang dahilan. At kung meron mang basehan — whether kakasuhan o hindi kakasuhan, ito ay dedesisyunan ng Komisyon.”
Una nang sinabi ng Comelec na iisyuhan nila ng notice ang mga kandidato na alisin ang kanilang illegal campaign materials at campaign paraphernalia, sa loob ng tatlong araw.
Ang mga mabibigong tumalima ay maaaring maharap sa election offense, na maaaring magresulta sa diskuwalipikasyon.