MANILA, Philippines — Sa kabila ng pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte, nananatili pa rin sa 83% ng mga Pinoy ang pabor na ituloy ang impeachment laban kay Vice Pres. Sara Duterte, ayon sa isang pampublikong opinyon na isinagawa ng Tangere noong Marso 25 hanggang 26.
Lumabas din na 75% ng mga respondent ang naniniwalang dapat niyang harapin ang isang paglilitis ng Senado kaugnay ng mga alegasyon ng planong pagpatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., House Speaker Martin Romualdez, at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Pinakamataas ang suporta para sa impeachment trial sa Luzon, partikular sa Metro Manila, Southern Luzon, Central Luzon, at Northern Luzon.
Pinakamatindi naman ang pagtutol sa Davao Region at Northern Mindanao, kung saan 17% ang hindi sumasang-ayon.
Natukoy din sa survey na 51% ang sumusuporta sa impeachment proceedings na isinampa ng Kongreso laban kay VP Duterte, 20% ang nananatiling hindi tiyak, at 29% ang tumututol.
Ang matibay na suporta ay patuloy na nagmumula sa Luzon, habang ang matinding pagtutol ay nakasentro sa Davao at Northern Mindanao. Karamihan sa mga undecided ay mula sa Visayas.
Kabilang sa mga pangunahing paratang laban kay Duterte ay ang diumano’y maling paggamit ng confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President at DepEd, na parehong nasa ilalim ng kanyang pamamahala.
