MANILA, Philippines — Tinangka kahapon na pagbawalan ang Senate media na i-cover mismo ang mga magaganap sa session hall ngayong araw tungkol sa magiging desisyon ng Senado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Isang staff ng Public Relations and Information Bureau (PRIB) ng Senado ang nagsabi sa media na bawal silang pumasok sa session hall ngayong Miyerkules, Agosto 6, dahil may mga monitors naman sa loob ng press office.
Sinabi rin ng staff sa media na sumunod muna bago sumuway.
Bawal din umano ang mga cameramen ng iba’t ibang network na nagko-cover sa Senado dahil magkakaroon din naman sila ng kopya ng video na magmumula sa PRIB sa pamamagitan ng audio-video recording.
Kaugnay nito, tumayo si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa sesyon kahapon upang linawin ang nasabing kautusan.
Inamin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kaugnay sa sinasabi ng staff ng PRIB na bawal mag-cover ang media sa loob ng session hall.
Ipinunto ni Hontiveros na dapat malinawan ang nasabing “verbal instructions” mula sa PRIB dahil mahalaga ang mangyayaring debate ng mga senador sa impeachment case ni Duterte.
“Given the importance of the debate tomorrow afternoon kaya ko po hiniling ang ganitong kalinawan na papayagan silang makapasok at makapag-cover sa sesyon bukas ng hapon, Mr. President,” paglilinaw ni Hontiveros.
Isang cameraman naman ng isang network ang nagsabi na bawal pa rin silang pumasok sa session hall ngayong araw at ang papayagan lamang na pumasok ay ang mga reporters.
