VP Sara impeachment sa 2026, posible


MANILA, Philippines — Posible raw ang muling paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa 2026, ayon kay House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno nitong Huwebes.

Sa ulat ng GMA Integrated News’ Unang Balita, sinabi ni Diokno na puwede pa ulit maghain ng impeachment case sa 2026 kung pananatilihin ng Supreme Court ang desisyon na unconstitutional ang inihaing reklamo laban sa bise presidente.

“Kung talagang sarado na ‘yung lahat ng kalsada para ituloy ang impeachment pansamantala ­ngayon, yung pinaka-last resort siyempre ay mag-file ulit pagdating ng February 2026,” sabi ni Diokno.

Nauna rito, 19 na senador ang bomoto ng pabor na i-archive ang impeachment case laban sa bise presidente.

Mayorya ng mga senador ay naniniwala na dapat igalang ang ruling ng SC na nagsasabing nalabag ang one year bar rule kaya unconstitutional ang Articles of Impeachment na ipinadala ng House of Representatives sa Senado.

Samantala, naniniwala naman si Sen. Lito Lapid na kahit pa na-archive ang reklamo laban sa bise presidente ay makabu­buting magpaliwanag pa rin ito sa taumbayan.

Ang pag-archive rin aniya ng impeachment case ay hindi nanga­ngahulugan na meron o walang sala si VP Sara.