Mas nagkakasakit ba talaga tayo kapag naka-aircon?


Philstar.com

August 12, 2025 | 11:13am

MANILA, Philippines — Maraming naniniwala na ang air conditioning ay puwedeng magdulot ng sakit. Ayon sa ilang eksperto, may punto ito.

Kapag hindi maayos ang maintenance ng AC o may sira ito, maaari itong pamugaran ng mikrobyo at maglabas ng allergens, kemikal, at airborne pathogens na normal nitong nasasala. Maari itong magdulot ng impeksyong gaya ng sipon hanggang pneumonia.

May tinatawag na sick building syndrome—o literal na «gusaling may sakit»—kung saan nagkakaroon ng sintomas tulad ng sakit ng ulo, sipon, ubo, pangangati ng balat, pagkahilo at pagkapagod matapos magtagal sa lugar na may aircon.

Isang pag-aaral sa India noong 2023 ang nakitang mas madalas magkaroon ng sintomas at mas mababa ang lung function ng mga taong nagtatrabaho sa opisinang naka-aircon kumpara sa mga nasa lugar na may natural na hangin lang.

Mga mikrobyo at kemikal sa AC

  • Bakterya: Legionella pneumophila, na nagdudulot ng Legionnaires’ disease (parang pneumonia), ay puwedeng mabuo sa mga matubig na sulok-sulo ng isang aircon. Karaniwan itong nakukuha sa mga hotel, ospital, o opisina kapag nalanghap ang kontaminadong droplets.

  • Fungi: Mga amag tulad ng Aspergillus at Penicillium ay natagpuang namumuo sa hospital ventilation systems. Delikado ito sa mga pasyenteng mahina ang resistensya, at maaaring magdulot ng pneumonia o impeksyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

  • Viruses: Naidokumento ang kaso sa China kung saan kumalat ang norovirus sa mga bata sa pamamagitan ng aircon sa paaralan.

Maliban sa mikrobyo, maaari ring maglabas ang aircon ng kemikal gaya ng benzene at formaldehyde mula sa cleaning agents o refrigerants kapag may sira.

Binabago ng AC ang humidity, kaya nagiging mas tuyo ang hangin sa loob. Kapag tuyo ang ilong at lalamunan, humihina ang natural na depensa ng katawan laban sa mikrobyo.

Payo ng mga eksperto: Ang maayos na maintenance at regular na paglilinis ng AC ay nakatutulong hindi lang para iwas-sakit kundi para mabawasan din ang pagkalat ng airborne viruses, kabilang ang COVID.  — Mula sa ulat ng Interaksyon