Pangulong Marcos sa PNP: Umulan o umaraw rumesponde sa tawag sa 911 hotline


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na tiyakin na may sasagot sa bawat tawag gamit ang pinakabagong 911 response technology ng bansa.

Sa 124th anibersaryo ng Police Service, sinabi ni Marcos na sa ­muling pagbuhay ng Emergency ?911 Hotline ay nakakaresponde na ang kapulisan sa libu-libong emergency calls mula sa police assistance hanggang sa police interventions gayundin sa search and rescue.

Subalit ang hamon aniya ngayon ay masiguro na umulan o umaraw, maging sa ordinaryong araw o mas higit sa panahon ng krisis ay dapat handang sumagot sa tawag ng publiko na humihingi ng tulong anumang oras at anumang panahon.

Giit ng Pangulo, ito ang paraan para muling mabalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan. “We owe our people a system that they can rely on,” ayon kay Marcos.

Ang bagong 911 system ay isang technology provided na nanalo sa bidding para sa kontrata na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon, kung saan kabilang sa features nito ang bagong sistema na may kakayahan para ma-detect ang lokasyon ng isang taong tumatawag.