August 14, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Ako po si “Ace,” 26 years old. May girlfriend ako na sobrang mahal ko. Hilig ko ang magpatawa sa kanya para lang gumaan ang mood namin. Isang araw, nagbiro ako na may babae raw na nagkakagusto sa akin at baka ligawan ako. Ang akala ko’y matatawa siya, pero kabaligtaran ang nangyari — nagalit siya, nagselos, at ngayon parang hindi na siya ganun kainit makipag-usap sa akin.
Paulit-ulit kong ipinaliwanag na biro lang iyon, walang ibang babae, at mahal ko siya. Pero parang hirap na siyang maniwala. Dr. Love, paano ko maibabalik ang tiwala at lam-bing niya? Ayoko po masira ang relasyon namin dahil lang sa prank na hindi ko na uulitin.
Ace
Dear Ace,
Minsan ang biro, kahit walang malisya ay pwedeng maging mitsa ng away lalo na kung tatama ito sa mga insecurities ng partner mo. Hindi lahat ng tao pareho ang humor, at kapag selos ang tinamaan, masakit talaga.
Ngayon, kailangan mong magsimula sa sincere na paghingi ng tawad — hindi lang sa salita, kundi sa gawa.
Ipakita mo araw-araw na wala kang ibang mahal. Iwasan muna ang mga biro tungkol sa third party, at palitan ito ng mga biro na magpapatawa sa kanya, hindi magpapakaba. At higit sa lahat, maging consistent ka sa pagiging tapat at maalaga.
Tandaan mo Ace, ang tiwala ay parang salamin. Kapag nabasag, mahirap buuin. Pero kung mahal ninyo ang isa’t isa, posible pa rin itong kumintab muli.
DR. LOVE