Pilipino Star Ngayon
September 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pabor si Senate Blue Ribbon Committee Vice Chairman Senator Erwin Tulfo na isang independent investigative body ang mag-imbestiga sa mga anomalya sa flood control projects at magsampa ng kaso laban sa mga sangkot.
“I think that is the right thing to do—isang independent group composed of the church, academe, representatives from the youth, retired justices, at iba pang dapat na maging bahagi nito,” sabi ni Tulfo.
“Hindi naman maaalis yung duda ng mga kababayan natin na baka ma-whitewash lang ang imbestigasyon kung Kongreso at Senado ang hahawak, dahil may ilang mambabatas mismo ang nakikinitang sabit sa anomalyang ito,” ayon pa kay Tulfo.
Hinuha ni Sen. Erwin, kung walang independent body, tanging mga kontratista at opisyales ng DPWH lang ang sisipot at magigisa sa mga hearings ng Blue Ribbon.
Para sa Senador, ang independent body ang dapat mag-imbestiga kung sinu-sino ang sangkot at sino ang mga dapat kasuhan ng Plunder, Graft, Bribery, at kung ano pa ang karampatang parusa, lalo na kung mambabatas o public official ang mastermind ng modus.