Dizon:DPWH officials mag-resign lahat! | Pilipino Star Ngayon


Mer Layson, Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

September 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang ‘top to bottom’ courtesy resignation sa mga opisyal ng DPWH.

Inisa-isa ni Dizon ang direktiba ng Pangulo sa kanya sa unang araw ng kanyang panunungkulan kabilang dito ang courtesy resignations ng undersecretaries, assistant secretaries, division heads, regional directors at district engineers sa buong bansa.

“Kailangan siyang gawin kasi nakita ng Pa­ngulo, nakita nating lahat ang nangyari sa ahensiyang ito,” saad ni Dizon.

Magpapatupad din aniya siya ng “lifetime blacklisting” sa mga contractors na responsable sa “ghost” at substandard infrastructure projects.

Wala aniyang magi­ging proseso, walang imbestigasyon, automatic  blacklisted for life ang mga contractor at may kaakibat na kaso at ­lahat ng makukuha nila ay ipapasa sa independent commission na itatayo ng Pangulo.

Ang independent commission ang mag-iimbestiga sa flood control projects at mag­hahain ng mga kaso laban sa mga opisyal at mga sangkot sa mga maanomalyang flood control at ghost projects.

“Clean sweep, pag­lilinis, iyan po ang ­unang-unang direktiba ng ating Pangulo,” saad pa ni Dizon.

Samantala, tiniyak din naman ni Dizon na aalamin nila kung sino ang mga tao sa loob ng DPWH na sangkot sa naturang mga iregularidad, gaya ng ghost projects.

Naniniwala si Dizon na, hindi magkakaroon ng mga ganitong klaseng proyekto kung walang kakuntsaba sa loob ng DPWH.

“Meron po sa DPWH na nagpabayad doon (ghost projects). Ang utos ng ating Pangulo ­hanapin ‘yon. At tanggalin sa puwesto at kasuhan,” aniya pa.

Bukod dito, magsasagawa sila ng masusing review sa lahat ng personnel dahil sa paniwalang marami pa ring mabubuti at magaga­ling na kawani ang DPWH at sila aniya ang ilagay sa mga sensitibo at importanteng mga posisyon.

Sinabi ni Dizon na ang problema sa matin­ding pagbaha ay resulta ng deka-dekadang pagpapabaya, dekada ng maling proyekto at dekada ng katiwalian kaya kaila­ngang matugunan kaagad.

Hindi aniya magiging madali ang paglutas sa problema sa baha at problema sa mga nakipagsabwatan sa DPWH kaya sisimulan agad upang hindi na mas lalong lumala pa ang problema.