COA sinimulan audit sa flood control projects


Angie dela Cruz — Pilipino Star Ngayon

September 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inatasan ng Commission on Audit (COA) ang Performance Audit Office (PAO) na magsagawa ng masusing pagsusuri sa flood control projects ng pamahalaan matapos ang patuloy na pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit-probinsiya.

Sa memorandum na nilagdaan ni COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba noong Agosto 23, 2025, ipinag-utos ang agarang performance audit alinsunod sa COA Resolution No. 2024-018 na ipinatupad noong Disyembre 16, 2024. 

Pinagtibay ng nasabing resolusyon ang Performance Audit Portfolio (PAP) para sa 2024–2026, kung saan nakapaloob ang 30 programa at proyekto na isasailalim sa performance audit gamit ang risk-based approach.

Isa sa mga pangunahing saklaw ng PAP ay ang Flood Risk Management and Resiliency Program, na kinabibila­ngan ng mga flood control projects. Ayon sa COA, susuriin ng PAO kung ang mga proyektong ito ay epektibong nakapigil o nakabawas sa epekto ng pagbaha, lalo na’t bilyun-bilyong pisong pondo na ang nailaan ng pamahalaan para rito.

Ang bagong direktiba ni Cordoba ay bilang tugon na rin sa pag­kabahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa matinding pinsalang dulot ng baha sa kabila ng pa­tuloy na paggastos para sa mga imprastraktura at flood control measure. 

Binigyang-diin ng Pa­ngulo na dapat masiguro ang maayos na paggamit ng pera ng taong-bayan at matamasa ng mga Pilipino ang magandang resulta sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.

Ang COA reso ay nakabatay sa international auditing standards gaya ng International Standards of Supreme Audit Institutions at sa Performance Audit Manual ng COA. Layon nitong matiyak na ang mga audit ay nakatuon sa malala­king isyu at nakaayon sa pambansang prayoridad.