Sasakyan ng pamilya Discaya nasa 80 — Jinggoy


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

September 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Aabot sa 80 ang bilang ng mga sasakyan ng pamilya ni Sarah Discaya kabilang ang nasa 40 luxury vehicles, ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada base sa hawak nitong dokumento.

“Hindi naman lahat yun luxury cars. Meron mga iba doon, mga equipment, construction equipments, tsaka yung mga ibang gladiator, mga pick-up, mga Hilux, Sequoia na hindi naman niya binanggit kahapon, meron pa siyang Maserati,” ani Estrada.

Ayon kay Estrada, maliwanag na nagsinungaling si Discaya sa pagdinig kamakalawa ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa mga palpak na flood control projects dahil sinabi niyang nasa 40 lamang ang kanilang sasakyan.

Sa isinagawang raid ng Bureau of Customs, dalawang sasakyan na lamang ang naabutan at wala na ang mga luxury vehicles.

Sinabi rin ni Estrada na kung pagbabasehan ang record ng Land Transportation Office (LTO) nasa 63 ang sasakyan ng mga Discaya kasama ang mga binanggit kahapon sa hearing na Rolls Royce Culinan, Bentley Bentayga, 2 GMC Yukon Denali, Cadillac Escalade, Mercedes Benz Wagon G63, Range Rover Evoque.

“May tatlo (3) rin siyang binanggit kahapon – yung Range Rover Defender, Cadillac Escalade at Mercedez Benz  Maybach – na  wala sa records ng LTO,” dagdag ni Estrada.

Mayroon pa aniyang walong sasakyan na binanggit sa isang interview ang hindi nakatala sa LTO.

Napag-alaman din ng tanggapan ni Estrada na mayroon pang anim na mamahaling sasakyan na pagmamay-ari rin ng mag-asawang Discaya tulad ng Volvo XC-90, Mercedes Benz GLS at isang Maserati.