Garin, Marcoleta nagkainitan sa Kamara


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

September 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagkainitan sina House Deputy Speaker Janette Garin at SAGIP Partylist Rep. Paolo Henry Marcoleta sa pagdinig ng House Infrastructure Committee kaugnay ng ‘ghost’ flood control projects.

Ito’y matapos tangkaing pigilan ni Marcoleta si Garin sa mga katanungan ng lady solon dahil inuulit lamang umano nito ang mga tanong ni Caloocan City Rep. Edgar Erice kay dating DPWH secretary Manuel Bonoan hinggil sa nasabing isyu.

Bunga nito ay nainis si Garin na kinuwestiyon si Marcoleta kung may problema ba ito at baka natatakot sa kaniyang mga katanungan.

“What rule did I violate? May I ask our colleagues, magrespetuhan tayo. Kung tiyempo ninyo naman, puwede kayong magtanong. I asked a preliminary question because I am moving to the next question. Hindi na ba ako puwedeng magtanong? Yung tanong ko kailangan bang ipaalam ko kay Congressman Marcoleta?,” ani Garin.

Tinugon naman ito ni Marcoleta na wala naman aniya siyang kinatatakutan at kasunod nito ay hindi na lamang ito nagsalita.

Maging si Garin at Navotas City Rep. Tiangco ay medyo nagkapikunan rin matapos na mag-interpellate ang lady solon sa pagtatanong ng huli.

“ I have the floor,” ani Tiangco na tatlong beses nitong sinabi matapos sumingit ng interpelasyon si Garin.

Kaugnay nito, inirekomenda naman ni Tiangco sa mega panel na ipatawag na sa lalong madaling panahon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong para isiwalat sa Infra Comm kung sinu-sinong mambabatas ang sabit sa ghost projects para magkaalaman na umano.

Idinagdag pa ni Tiangco na dapat din umanong ipatawag si dating House Appropriations Committee Chairman Rep. Elizaldy Co para magpaliwanag sa insertions umano sa 2025 national budget.