Task force na binuo ni Bonoan, binuwag ni Dizon


Mer Layson, Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

September 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Binuwag ni Department of Public Works and Highway (DPWH) Secretary Vince Dizon ang binuong internal investigation team ni dating DPWH secretary Manuel Bonoan na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa flood  control projects.

Ayon kay Dizon, hindi siya naniniwala na maaaring imbestigahan ng isang ahensiya ang sarili nito.

Sinabi ni Dizon na mangangalap na lang ang DPWH ng mga impormasyon na ipapadala sa independiyenteng komisyon, na siyang mag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.

Naniniwala si ­Dizon na ang naturang komisyon ang may karapatang mag-imbestiga sa anomalya.

“Hindi ho puwedeng kami ‘yun. Pasintabi na lang po kay dating Secretary Manny but I find that wrong,” ayon pa kay Dizon.

Paliwanag pa ni ­Dizon, ang internal task force ay itinatag bago ianunsyo ng Pangulo ang pagtatatag ng indepen­dent commission na siyang susuri sa korapsyon sa flood control projects.

“Rerespetuhin na lang natin ang wisdom ng ating Pangulo kaya yun po ay bubuwagin ko na po today,” giit pa ng kalihim.