P8.8 milyong illegal drugs nasamsam sa Makati buy-bust


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

February 21, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P8.8 milyon na halaga ng shabu sa isang babae at isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation, sa Barangay San Antonio, Makati City, Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Manuel Abrugena ang mga naarestong sina alyas Wewel, 28 at isang alyas Madam, 28.

Sa ulat, alas-4:30 ng hapon  ng Pebrero 19, nang makabili ng iligal na droga ang isang undercover na operatiba ng Makati City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa mga suspek ng isang vacuum-sealed foil pack na shabu na may label na freeze-dried durian na may Chinese character sa halagang P1-milyon.

Nagbigay ng hudyat ang undercover kaya’t lumapit na ang mga nakaposteng mga operatiba at nasamsam pa ang karagdagang iligal na droga na umabot sa kabuuang 1,300 gramo na may standard drug price na P8,840,000 .

Ayon kay Makati Police chief, PCol. Jean Dela Torre, isasailalim sa inquest proceedings ang dalawang suspek sa Makati City Prosecutor’s Office sa reklamong paglabag sa Sections 5 at 11 ng  Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).