September 21, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Sumusulat ako dahil labis po akong nababahala sa kalagayan ng aming pamilya ngayon. Ang mister ko ay matagal nang nagtatrabaho sa isang kumpanya, ngunit nitong mga nakaraang buwan ay narinig naming malapit nang magsara ito dahil sa pagkalugi.
Hindi ko po maiwasang matakot, Dr. Love. Iniisip ko kung paano na kami kung mawalan siya ng trabaho. May mga anak kaming umaasa sa amin, at alam ko rin kung gaano kahalaga sa aking asawa ang kanyang trabaho, hindi lang para sa kabuhayan kundi para na rin sa kanyang dignidad bilang padre de pamilya.
Ayokong ipakita sa kanya ang sobrang takot ko dahil baka lalo siyang panghinaan ng loob. Pero sa loob-loob ko, iniisip ko na baka hindi na kami kayanin ng kinikita ko, at baka mahirapan kaming magsimula muli.
Dr. Love, paano ko po matutulungan ang aking asawa na manatiling matatag? At paano rin po namin haharapin ang posibleng pagkawala ng kanyang trabaho nang hindi nawawalan ng pag-asa?
Tonya
Dear Tonya,
Unang-una, huwag mong kimkimin ang pa-ngamba. Mas lalakas ang loob ng asawa mo kung mararamdaman niyang hindi siya nag-iisa. Ang pagkawala ng trabaho ay hindi katapusan, kundi maaa-ring maging simula ng bagong pagkakataon. Habang may oras pa, mag-usap kayong mag-asawa tungkol sa mga posibleng alternatibong pagkakakitaan—maaa-ring maliit na negosyo, bagong trabaho, o paggamit ng ibang kasanayan.
Mahalaga ring manatiling positibo at huwag mawalan ng pananampalataya.
Sa dulo, mas matibay ang pamilyang nagkakaisa kaysa sa anumang problemang darating.
DR. LOVE