October 23, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Ako po si Osei. Talagang tinago ko ang identity ko. Gusto ko po sanang humingi ng payo.
May isang lalaki po kasi na matagal nang nanliligaw sa akin.
Wala naman po akong masamang nararamdaman sa kanya, pero lately ay parang sobra na siya kung kumilos—makulit, laging nangungulit mag-reply ako agad, at minsan ay parang feeling close kahit hindi pa naman kami ganon kalapit sa isa’t isa.
Nape-pressure po ako kasi kahit hindi ko siya sinasagot, parang inaasahan niyang may chance siya.
Ayokong maging bastos o masaktan siya, pero gusto ko rin ng space at respeto. Minsan naiirita na ako dahil parang hindi na ako komportable.
Ano po ba ang magandang paraan para hindi ko siya masaktan pero malinaw kong maipakita na hindi ko pa siya gusto?
Osei
Dear Osei,
Natural lang na mapagod o ma-pressure kapag may taong pilit na gustong pumasok sa puso mo kahit hindi ka pa handa.
Ang tunay na pag-ibig ay hindi minamadali o pinipilit. Kung talagang gusto ka niya, maruno sana siyang maghintay at magbigay ng respeto.
Sabihin mo sa kanya nang maayos at direkta na gusto mo muna ng distansya, at kung talagang may halaga ka sa kanya, igagalang niya ‘yon.
Ang taong totoo ang intensyon ay marunong makinig at hindi ipipilit ang sarili.
Tandaan mo, hindi mo kailangang mag-sorry sa pagiging totoo sa nararamdaman mo. Ang respeto ay dapat galing sa dalawang panig.
Kung mananatili pa rin siya sa kanyang pangungulit sa’yo, maaring hingin mo ang tulong ng isang common friend ninyo para siyang mamagitan sa inyo. Kung wa epek pa rin, baka kailangan mo nang magsabi sa inyong teacher para mas makita niya ang seryosong iritasyon ng ginagawa niya sa’yo.
DR. LOVE