November 22, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Problema ko po ang pagkamahiyain ko. Sobrang baba kasi ng self-esteem ko. Wala akong mapaghugutan ng lakas.
Sa palagay ko po ay nakaapekto nang malala ang panay-panay na sermon sa nanay ko sa akin. Parang pinalaki na niya ako sa sigaw at init ng ulo niya.
Pero hindi ko naman po masisi si nanay dahil wala rin nagturo sa kanya ng tama. Hindi po siya nakapag-aral. Kaya ganon na lang na madali siyang matangay ng kanyang emosyon at mga bagay-bagay sa paligid.
Gusto ko sanang sumali sa mga activities namin sa school, pero nahihiya ako.
Hindi ko po maintindihan ang aking sarili, may bahagi sa puso at isip ko na kaya ko pero nauunahan ako ng pag-aalinlangan dahil nakakaramdam ako ng hiya.
Ano ba ang gagawin ko para makalaya sa pagiging mahiyain ko?
Zandie
Dear Zandie,
Hinahangaan kita sa malawak na pang-unawa mo sa estado ng iyong ina.
Dahil maraming kabataan ang hindi ganyan ang kalooban para sa kanilang magulang, sa halip ay nagtatanim ng sama ng loob na kadalasan ay humahantong sa kawalan ng respeto sa kanilang ina o ama.
Magandang mind set din na mapag-isipan mo kung paano ma-overcome ang pagiging mahiyain.
Kadalasan kasi, ang emosyon na ito ang nakakahadlang para matamo ng isang tao ang mas magandang estado sa buhay.
Ang maipapayo ko, ituon mo ang isip mo sa iyong kakayahan at sikapin na sa bawat pagkakataon ay mapaunlad ito.
Hindi kailangan, malakihang paghakbang agad. Kahit paunti-unti lang muna. Kung halimbawa, may desire kang kumanta…gawin mo ‘yan araw-araw.
Maganda kung makakapag-memorize ka ng isang kanta, na pwede mong gamitin sa contest sa school.
Pangalawa, magbasa, manood, makinig o mag-browse ka ng mga tips sa internet na makakatulong para ma-build ang tiwala mo sa iyong sarili.
At higit sa lahat, lagi mo ipagdasal sa Maykapal na tulungan ka niyang magkaroon ng sapat na lakas ng loob para ma-overcome ang iyong pagkamahiyain.
Pwede mo na ring subukan na unti-unti ay salihan ang mga activities na sa tingin mo ay ready ka na.
Sigurado ako, sa bawat karanasan na makukuha mo sa pagsali, madaragdagan ang kompiyansa mo sa iyong sarili, hanggang sa mapansin mo na lang na hindi ka na mahiyain.
Kapag dumating ang sandali na ‘yun, natitiyak ko na mababawasan na rin ang panenermon ng iyong nanay dahil mapapalitan ito ng paghanga sa iyong achievements. Huwag ka rin sana makalimot na manatiling maunawain at mapagmahal na anak sa iyong magulang.
Dr. Love