November 23, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Litung-lito na ako sa ugali ng kaibigan ko. May partner ako—mahal ko at maayos ang relasyon namin—pero itong kaibigan ko, hindi ko maintindihan kung bakit pinagmamalaki niya ang boyfriend ko sa iba.
Lagi niyang inirerekomenda o nirereto sa mga kaibigan niyang babae, kesyo “mabait daw,” “res-ponsable,” at “swerte ang makakatuluyan niya.”
Hindi ko alam kung pabida lang ba talaga siya o wala siyang pakialam sa nararamdaman ko. Minsan tuloy napapaisip ako kung may masama ba siyang intensyon o sadyang manhid lang sa boundaries.
Ayokong makasira ng pagkakaibigan pero gusto kong maging tapat sa sarili ko. Ayoko rin na pati partner ko ma-involve sa gulo.
Dr. Love, paano ko ba haharapin ang ganitong klase ng kaibigan?
Jodie
Dear Jodie,
Anak, may dalawang klase ng “pabidang kaibigan”: yung talagang may masamang intensyon, at yung pabibo lang dahil wala sa hulog ang sensitivity.
Pero ang pinakamahalaga, ikaw at ang partner mo ay nagkakaintindihan.
Kung malinaw sa inyong dalawa ang tiwala, walang kahit sino ang makakasira niyan.
Kausapin mo ang kaibigan mo nang mahinahon pero diretso. Sabihin mo na hindi ka komportable sa ginagawa niya.
Hindi mo siya ina-akusahan—nagpapaliwanag ka lang ng nararamdaman mo. Kung totoong kaibigan siya, iintindihin niya.
Kung magagalit siya, baka hindi pala totoo ang pakikipagkaibigan niya.
At panghuli, banta-yan mo rin ang relasyon mo. Hindi kailangan makialam ang ibang tao sa pundasyon na kayong dalawa ang bumuo.
Keep your peace, anak.
DR. LOVE