February 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bilang na ang araw ng mga vlogger na nagkakalat ng mga maling impormasyon laban sa administrasyon.
Sinabi ni Presidential Communications office (PCO) acting Secretary Jay Ruiz, na kasama sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay labanan ang mga nagkakalat ng fake news partikular na dito ang mga vlogger na iresponsable sa kanilang mga ginagawa.
Iginiit pa ni Ruiz na dapat nang magsabi sila ng totoo sa kanilang mga ipinapahayag at hindi kung anu-ano lang ang sinasabi para paniwalain ang mga tao at makakuna ng maraming viewership.
Dahil marami ang mga naglalabasang mga kasinungalingan ngayon at mga walang basehan kaya palalakasin aniya ng PCO ang public information para maipabatid sa publiko kung alin ang totoo at kung alin ang fake news.
Natatabunan na aniya ang mga ginagawa at magagandang programa ng administrasyon dahil sa mga grupo at mga taong walang ginagawa kundi ang magpakalat ng mga maling impormasyon at manira sa gobyerno.
Kaya ang paglaban aniya sa fake news ang isa sa mga babantayan ng PCO para maituwid ang pagiging totoo sa administrasyong Marcos.
