February 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinagbibitiw ni Transportation Secretary Vince Dizon ang mga kasalukuyang Undersecretaries, Assistant Secretaries at DOTr Directors.
Nakasaad sa memorandum na may petsang Pebrero 24, 2025, na pinasusumite ng kanilang courtesy resignation ang mga opisyal nang hindi lalampas sa Pebrero 26, 2025.
Sinabi ng Transportation chief na ang memo ay para lamang sa mga matataas na opisyal sa Central Office ng ahensya at hindi sumasaklaw sa “attached agencies at GOCCs.”
Dagdag pa ng DOTr chief, nagsumite na ang kanyang tanggapan sa Pangulo ng ilang pangalan kung sino ang mamumuno sa major sector ng ahensya.
Si Dizon ay itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang DOTr Secretary kasunod ng pagbibitiw ni Jaime Bautista.
Bago ang kanyang appointment, si Dizon ay dating pangulo ng Bases and Conversion Development Authority (BCDA), deputy chief implementer ng National Task Force Against COVID-19 at dating presidential adviser para sa mga flagship program at proyekto sa panahon ng Duterte administration.
Kabilang sa kanyang mga unang marching order ay ang pagsuspinde sa muling pagpapatupad ng cashless toll collection sa lahat ng expressways na dapat ay magkakabisa noong Marso 15.