Data breach sa DND, itinanggi


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

February 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Department of National Defense (DND) ang napaulat na nagkaroon ng data breach sa kanilang sistema nitong linggo.

“Contrary to a recent news report, the DND has not monitored any data breach over the weekend, and its systems remain secure and fully functional,” pahayag ni Defense Spokesman Arsenio Andolong.

Ang data breach ay ang pag-hack ng mga confidential na impormasyon, pribado at mga protektadong impormasyon na hindi dapat makita ng mga taong hindi awtorisado at hindi rin bahagi ng departamento.

Samantalang wala namang naibigay na iba pang detalye si Andolong para na rin sa seguridad.

Ayon kay Andolong, ang DND kasama ang iba pang mga bureaus nito kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay pinalakas pa ang cybersecurity measures upang mapigilan na may mangyaring ganitong mga insidente sa kanilang data base.

“We are exerting the necessary efforts to prevent “attempts by malign actors to illegally access our ICT (information and communications technology) systems and infrastructure”, ani Andolong.

Sa panig ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, sinabi nito na pinalakas pa ang AFP kasama ang kanilang mga Major Services ang paglaban kontra cyber attack.

Tiniyak din ng Philippine Navy at Phil. Army na walang nakompromiso sa kanilang data base bagaman tinangka itong pasukin ng mga hackers.