Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lamang po akong “Liza,” isang masipag na asawa at ina. Sumulat po ako dahil hindi ko na malaman kung saan ilulugar ang aking sarili pagdating sa aking biyenan.
Kamakailan lang po ay nagkaproblema kami sa budget. Dahil sa sunod-sunod na bayarin sa eskwela ng mga bata at ilang emergency sa bahay, medyo naantala ang pagbabayad namin ng upa sa bahay na pag-aari ng aking biyenan.
Ang masakit po, sa harap ng maraming tao sa isang family gathering, ay lantarang ipinahiya ako ng aking biyenan.
Sinabihan niya akong pabaya at walang diskarte sa buhay dahil hindi raw ako makabayad sa tamang oras.
Ang hindi ko po matanggap ay ang katotohanang anak naman niya ang asawa ko. Pareho kaming nagtatrabaho at nagsisikap, pero sa paningin ng biyenan ko, ako lang ang may kasalanan at ako lang ang pilit na pinagmumukhang masama.
Bakit kailangang humantong sa pamamahiya sa harap ng iba, gayong pamilya naman ka-mi?
Mas masakit pa po na tila hindi man lang ako naipagtanggol ng asawa ko nang oras na iyon.
Liza
Dear Liza,
Ang utang ay nababayaran, ngunit ang dignidad na tinapakan ay mahirap nang ma-buo. Ang payo ko, una—kausapin mo ang iyong asawa. Hindi mo dapat solong di-nadala ang kahihiyang ito.
Anak siya ng biyenan mo, tungkulin niyang protektahan ka at itakda ang limitasyon kung hanggang saan lang pwedeng makialam ang kanyang ina.
Pangalawa—sikapin mo na mapaghiwalay ang pamilya at pera. Hangga’t maaari, iwasang mangupahan o mangutang sa kamag-anak. Ginagamit ito ng iba bilang lisensya para kontrolin at bastusin ang iyong pagkatao. Ang pagiging kapos sa pera ay hindi krimen. Harapin ang biyenan nang mahinahon.
Ang respeto ay hindi nabibili ng upa. Kung hindi ka na iginagalang sa bahay na iyan, baka panahon na para humanap ng sariling masisilungan.
DR. LOVE