Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo. Tawagin nyo na lang po akong “Nahihiyang Manliligaw,” 24-anyos.
In love ako sa babae na masasabi kong panghabambuhay ko na. Mabait siya, simple, at higit sa lahat—mahal din niya ako. Pero may isang bagay na pumipigil sa akin na tuluyang humarap sa kanyang mga magulang… ang kahirapan ko.
Dr. Love, galing lang po ako sa simpleng pamilya. Wala kaming sariling bahay, at ako ay nagtatrabaho lang bilang isang contractual employee. Hindi po kalakihan ang sahod ko, sapat lang para makatulong sa pamilya at sa pang-araw-araw. Samantalang ang babaeng mahal ko ay galing sa nakakaangat na pamil-ya—may negosyo ang kanyang mga magulang at kilala sa kanilang lugar.
Ilang beses na niya akong inaanyayahan na magpakilala sa kanila, pero palagi akong umiiwas. Hindi dahil ayaw ko… kundi dahil natatakot ako. Natatakot akong maliitin, baka matakot silang ipagkatiwala sa akin ang anak nila, o baka isipin nila na hindi ko kayang ibigay ang magandang kinabukasan sa kanya.
Mahal ko po siya, Dr. Love. Gusto ko siyang ipaglaban. Pero sa tuwing iisipin kong haharap ako sa kanyang mga magulang, parang nawawala ang tapang ko. Nahihiya ako sa estado ng buhay ko.
Nahihiyang Manliligaw
Dear Nahihiyang Manliligaw,
Alam mo, hindi ka nag-iisa sa nararamdaman mo. Maraming lalaki ang dumadaan sa ganyang takot—hindi dahil mahina sila, kundi dahil seryoso sila sa pagmamahal nila.
Pero heto ang totoo, hindi kahirapan ang kinahihiya—kundi ang kawalan ng pangarap at pagsisikap.
Hindi mo kailangang maging mayaman agad para maging karapat-dapat. Ang mahalaga, may direksyon ka sa buhay, may sipag, at may paninindigan. Hindi naman kayamanan ang unang hinahanap ng magulang—kundi kung maaasahan ka ba, kung marunong kang rumespeto, at kung kaya mong panindigan ang anak nila.
Kung mahal mo talaga ang babae, huwag mong hayaang matalo ka ng hiya. Dahil ang pag-ibig, hindi lang nararamdaman—ipinag-lalaban din yan.
Humarap ka. Hindi bilang mayaman, kundi bilang lalaking may dangal, may plano, at may pusong totoo.
Mas nakakabilib ang lalaking nagsisimula sa wala pero may determinasyong umangat, kaysa sa lalaking may kaya pero walang paninindigan. Kaya mo ‘yan! Lakasan mo ang loob mo.
DR. LOVE