Mala-imbestigator na suitor | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Tawagin n’yo na lang po akong “Ms. Q&A.” Sumulat po ako dahil gulung-gulo na ang isip ko.

May nanliligaw po kasi sa akin ngayon. Sa totoo lang, mabait naman siya at ramdam kong seryoso siya, pero may isang malaking “pero”—daig pa niya ang imbestigador ng NBI.

Dr. Love, sa sobrang dami niyang tanong, halos maumay na ako.

Mula paggising hanggang bago matulog, puro “anong ginagawa mo?”, “sino kasama mo?”, “anong kinain mo?”, hanggang sa mga tanong na akala mo ay slam book noong elementary.

Minsan, nakaka-drain na sumagot kasi paulit-ulit na lang. Pakiramdam ko, interview sa trabaho ang pinapasukan ko araw-araw imbes na kilalanan na masaya.

Ang problema ko po, gusto ko na sanang itigil o sabihan siya na “nakakaumay” na ang style niya.

Kaya lang, natatakot naman ako. Sa hirap ng buhay ngayon, siya na lang ang nagtiyagang manligaw sa akin.

Natatakot ako na kapag ipinagtabuyan ko siya, baka wala na namang dumating na iba at tumanda na akong dalaga.

Ano po ang gagawin ko?

Pagtitiisan ko ba ang “interrogation” niya para lang hindi ako mawalan ng manliligaw, o sasabihin ko ang totoo kahit pa maging sanhi ito ng pag-atras niya?

Ms. Q&A

 

Dear Ms. Q&A,

Ang panliligaw ay dapat parang musika, hindi parang imbestigasyon.

Ang maipapayo ko, tandaan mo ang tatlong puntong ito: una,  prangkang pag-uusap, hindi niya malalamang nakakasakal na siya kung hindi mo sasabihin.

Turuan mo siyang makipag-usap nang natural. Mas masarap ang kwentuhang kusang dumadaloy kaysa sa sagutang parang “job interview.”

Pangalawa, huwag magtiis sa “pwede na.” Ang takot na mawalan ng manliligaw ay hindi sapat na dahilan para lunukin ang umay.

Ang relasyong sinimulan sa pagtitiis ay madalas nauuwi sa pagsisisi.

Pangatlo, kalidad vs. dami. Mas mabuti nang mabakante kaysa mapunta sa taong hindi mo pala kayang sakyan ang ugali.

Kung tunay siyang seryoso, tatanggapin niya ang iyong puna at magbabago siya ng diskarte.

Mahalagang alalahanin na ang tamang tao ay hindi ka mao-oa-yan, kundi gaganahan kang kakwentuhan.

DR. LOVE