August 15, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Ako po si Cenya. Magandang araw po. Sumusulat ako dahil mas madalas pa atang gabihin ang mister ko kaysa sa barangay tanod sa aming kanto.
Dati naman po, sakto ang uwi niya. Pero kamakailan, palaging hatinggabi o madaling-araw na siya nakakauwi. Hindi naman po ako ‘yung tipong gumagawa ng eksena o nag-aabang na may dalang pamalo sa pinto. Nagtitiwala ako sa kaniya, pero bilang asawa, hindi ko maiwasang mag-alala.
Natatakot ako para sa kaligtasan niya sa kalsada, at hindi rin maiwasang maglaro ang isip ko: sobrang busy ba talaga sa trabaho, may dinaramdam siyang pagod na hindi sinasabi, o baka naman may iba nang umaagaw ng oras niya? Kapag tinatanong ko, “pagod lang” ang laging sagot.
Ayoko namang makipag-away, pero mahirap ding matulog gabi-gabi na mabigat ang dibdib at malamig ang kabilang kalahati ng kama. Paano ko po kaya siya kakausapin nang malumanay pero magiging tapat siya sa akin?
Cenya
Dear Cenya,
Valid ang nararamdaman mo. Ang paghihintay sa hatinggabi ay nakakapagod, at ang taong nagmamahal, natural lang na mag-alala. Pero tandaan mo, ang bahay ay dapat pahingahan, hindi interrogation room.
Eto ang pwedeng gawin para maging bukas ang usapan ninyo, pumili ka ng tamang ‘timing’. Huwag siyang salubungin ng seryosong tanong habang nagtatanggal pa lang ng sapatos at puyat. Kausapin mo siya kapag pareho na kayong nakapagpahinga—tulad ng Linggo ng umaga habang nagkakape.
Iposisyon mo sa inyong pag-uusap ang pag-aalala, hindi ang hinala. Sa halip na “bakit gabi ka na naman?”, subukan ang…”mahal, nag-aalala ako sa kalusugan at kaligtasan mo kapag ganiyang oras ka na nakakauwi.” Mas madaling magbukas ang lalaki kapag pagmamalasakit ang naririnig, hindi paratang.
Humingi ka ng simpleng kompromiso. Pakiusapan siyang mag-text man lang bago umalis ng opisina. Isang simpleng, “pauwi na ako” ay sapat na para hindi mag-isip ng kung ano-ano ang utak mong puyat.
Tandaan mo, ang lalaking pagod sa labas, mas mabilis uuwi kung alam niyang respeto at kapayapaan—hindi away—ang naghihintay sa kaniya sa bahay.
DR. LOVE