MANILA, Philippines — Dumayo sa Unang Distrito ng Batangas ang ilang kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas kung saan nakipagpulong sila sa mga Batangueños kasama ang tumatakbong kinatawan ng unang distrito ng Batangas na si Leandro Legarda Leviste nitong nakaraang weekend.
Kabilang sa mga dumalo sina Senators Imee Marcos, Lito Lapid, Francis Tolentino, Congresswoman Lani Mercado-Revilla na kumatawan kay Senador Bong Revilla, at sina dating Senador Tito Sotto, Ping Lacson, Gringo Honasan, at Manny Pacquiao.
Sinamahan ni Senador Loren Legarda, ina ni Leandro Legarda Leviste, ang kanyang mga kapwa senador na nagkaisa para sa kanilang adhikain para sa pag-unlad ng Unang Distrito ng Batangas.
Ginanap ang mga programang ito sa mga bayan ng Nasugbu, Balayan, at Taal, kasama ang mga Batangueños mula sa mga bayan ng Lian, Calatagan, Tuy, Lemery, at ang lungsod ng Calaca. Tinalakay ng mga senador ang mga pangunahing isyung kinakaharap ng bawat komunidad, mula sa trabaho hanggang sa imprastraktura at serbisyo publiko.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Leandro Legarda Leviste, ang pinakabatang billionaire entrepreneur sa bansa, ang kahalagahan ng suporta ng nasyonal na pamahalaan para sa mga programa at proyekto para sa mga bayan ng Unang Distrito ng Batangas.
Nanawagan siya sa mga kandidato na bigyang-pansin ang pagpapalakas ng imprastraktura, pagpapalago ng ekonomiya, at pagpapalawak ng mga oportunidad sa kabuhayan.
Sa harap ng libu-libong mga Batangueños, inilahad ng mga kandidato sa pagkasenador ang kanilang mga isusulong na panukalang batas at programa, na magpapaunlad ng ekonomiya, at pagpapabuti ng serbisyong panlipunan.