MANILA, Philippines — Nanawagan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga kandidato sa paparating na midterm elections 2025 na gawing prayoridad ang mga hakbang na magpapababa sa presyo ng bigas.
Binanggit ni Romualdez na ang maagap na hakbang ng gobyerno, kabilang ang pagdeklara ng Department of Agriculture (DA) ng food security emergency, ay nagbigay-daan sa pagpapalabas ng buffer stocks ng National Food Authority (NFA) upang patatagin ang presyo ng bigas at tiyakin ang abot-kayang suplay para sa mga mamimili.
Iinakda rin ng DA ang pinakamataas na suggested retail price (SRP) na P49 kada kilo para sa imported rice simula Marso, habang ang NFA rice ay ibinebenta sa halagang P35 kada kilo upang matulungan ang mga low-income na mamimili. Layunin ng mga hakbang na ito na pigilan ang hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa, sa kabila ng pagbaba ng gastos sa pandaigdigang merkado at mga buwis sa importasyon.
“Alam natin na ang bawat butil ng bigas ay mahalaga sa bawat pamilyang Pilipino. Nakikita natin ang mga positibong hakbang ng gobyerno, pero hindi pa tayo dapat makampante. Marami pa tayong kailangang gawin para matiyak na abot-kaya ang presyo ng bigas para sa lahat,” ayon kay Romualdez.
