MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo ang Commission on Elections (Comelec) sa pagiging patas at matibay na paninindigan sa katarungan at sa pagpapanatili ng kredibilidad ng demokratikong institusyon sa bansa.
Ito’y kasunod ng pagdismis ng petisyon ng isang Atty. Virgilio Garcia para madiskuwalipika ang kaniyang kandidatura sa senatorial race sa halalan sa Mayo.
“Una, nais ko pong magpasalamat sa Poong Maykapal. Taos-puso rin akong nagpapasalamat sa 1st Division ng Commission on Elections para sa makatarungan at patas na desisyon nito sa petisyon para ma-disqualify ako bilang kandidato sa May 2025 Senatorial race,” ayon kay Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na buo ang kanyang tiwala at naninindigan sa kalayaan at pagiging patas ng Comelec.
Sinabi ni Cong.Tulfo, bilang lingkod-bayan, nananatili siyang tapat sa tungkulin na maglingkod nang may integridad, katapatan, at pagsunod sa batas.
Aniya, ang desisyon ng Comelec ay nagbibigay-daan upang lalong maituon ang kanyang oras at pagsisikap sa paglilingkod sa ating mga kababayan at sa pagsusulong ng kanilang kapakanan sa Kongreso.
