MANILA, Philippines — Pinalagan ng Philippine Navy ang paratang ng China na nagkakalat umano ng polusyon sa West Philippine Sea (WPS) kaugnay ng isinagawang fire drill ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong nakalipas na linggo.
Kasabay nito, nilinaw ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Spokesperson ng Philippine Navy sa WPS na ang usok na nakita mula sa BRP Sierra Madre ay mula sa fire drill taliwas sa report ng Chinese state media na ang mga crew ng barko ng PIlipinas ay nagkakalat ng polusyon sa pinagtatalunang teritoryo.
Ayon kay Trinidad, ang nasabing fire drill sa WPS na isinagawa ng Philippine Navy lulan ng BRP Sierra Madre ay isinagawa noong Pebrero 28.
“The exercise for this particular activity was a fire drill. And they usually use combustible materials, yung madaling masunog na materials. It so happened because of the strong winds, napalakas, but they were able to put everything under control,” paglilinaw ni Trinidad sa press briefing.
Sinabi ni Trinidad na ang mga officers at mga tauhan ng Philippine Navy ay regular na nagsasagawa ng operational exercises na nakadisenyo para tiyakin ang pag-survive at operational readiness ng warship.
Inihayag ng opisyal na walang naging pinsala sa kapaligiran ang nasabing fire drill at lahat ng officers at tauhan nito ay ligtas.
Sa report ng Chinese state broadcaster CGTN nitong Linggo, iniulat nito ang umano’y pagsusunog sa BRP Sierra Madre na nagdulot ng matinding usok na sanhi ng polusyon sa WPS.