MANILA, Philippines — Muling pinagtibay ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako sa pagsuporta sa mga Pilipinong magsasaka at pagpapalakas sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa kanyang pagdalo sa Farmers Congress sa Carmen, Bohol.
Inimbitahan ni Mayor Conchita Torbio delos Reyes, humarap si Go sa mga magsasaka at mga lokal na opisyal kung saan ay itinampok niya ang kanyang hands-on approach sa governance sa pagtataguyod ng food security, pagpapabuti ng access sa mga serbisyong medikal at pagpapalakas sa kabataan bilang mga lider sa hinaharap ng bansa.
Binigyang-diin ni Go, miyembro ng Senate committee on agriculture, na ang mga magsasaka ang backbone ng food security ng bansa at dapat unahin sa mga programa ng gobyerno.
Isa ang senador sa co-author ng Republic Act No. 11901, o ang Agriculture, Fisheries, and Rural Development Financing Enhancement Act of 2022. Pinalalakas ng batas na ito ang mga mekanismo sa pananalapi para sa mga magsasaka at mangingisda para matiyak na mayroon silang access sa mahahalagang resources sa produktibidad at kabuhayan.