Bong Go: Ipagdasal natin si Tatay Duterte


MANILA, Philippines — Hiniling ni Senador Christopher “Bong” Go sa publiko na ipagdasal si dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pag-aresto sa kanya ng Philippine National Police (PNP) sa bisa umano ng inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

“Sa mga kababayan po natin, maghinahon po kayo, keep calm. Ipagdasal niyo po si da­ting Pangulong [Rodrigo] Duterte. Ipagdasal muna natin. Importante sa kanya ang kalusu­gan,” ani Go sa pana­yam nang magtungo siya sa Villamor Airbase kung saan dinala ang dating Pangulo.

Hiniling din ni Go sa gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ni Duterte.

Gayunman, tinanggihan si Go na makapasok sa Villamor Air Base kung saan dinala si Duterte matapos ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC). 

Naroon siya para magdala ng pagkain kasama ang matagal nang manggagamot ni Duterte na si Dr. Agnes del Rosario.

Sa isang Facebook live, sinabi ni Go na nagreklamo si Duterte ng pananakit ng likod kamakalawa ng gabi at nakaiskedyul para sa isang undisclosed medical procedure.

Aniya, kasama ni Duterte sina Honeylet Avanceña, anak nilang si Veronica “Kitty” Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea, at nurse nito.

Tiniyak ni Go na susundin ni Duterte ang mga legal na pamamaraan dahil siya ay isang abogado.