17 Pinoy inaresto sa Qatar, nag-rally sa bday ni Duterte


MANILA, Philippines — Nakakulong ­ngayon sa himpilan ng pulisya ang 17 Pinoy na nagdaos ng political rally sa Qatar bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ni dating ­pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) undersecretary Eduardo de Vega, ang 17 Filipino ay nakapiit sa isang police station sa Qatar, isang oras ang layo mula sa Doha na siyang capital ng nasabing bansa.

Ayon kay de Vega, nag-rallly ang ­naturang mga Pinoy noong ­Marso 28 bilang pagtutol umano sa ginawang pag-aresto kay Duterte na siyang rin nagdiriwang ng kanyang kaarawan ng nasabing araw.

Sinabi naman ng opisyal na lahat ng political rally o anumang illegal na pagtitipon ay ipinagbabawal sa  Qatar, sa kabila nito sinabi ni de Vega na mayroong mga abogado ang Philippine embassy sa nasabing bansa.

Ang isa lamang aniyang problema doon ay iba ang kanilang justice system at ayaw muna nilang mayroong kausap na taga-embassy hanggang hindi pa tapos ang kanilang imbestigasyon, subalit kung harmless naman ay ikukulong lang ng ilang araw at pagkatapos ay papakawalan na.

Nangako naman ang Philippine embassy sa Qatar na tutulu­ngan ang mga Pinoy na naaresto nitong Biyernes.

Mahigpit din pinaalalahanan ng embahada ang mga Pinoy na nasa Doha, Qatar na respetuhin ang mga lokal na batas at kultura doon pagdating sa mass demonstrations at pagpapahayag ng kanilang saloobing politikal.