Urdaneta City acting mayor, vice mayor umupo na sa pwesto


MANILA, Philippines — Nagsimula na sa kanilang posisyon sina Sangguniang Panlungsod 7th Member Rio Virgilio R. Esteves bilang acting Mayor ng Urdaneta City at Sangguniang Panlungsod 8th Member Blesildo F. Sumera bilang acting Vice Mayor ng lungsod.

Batay ito sa memorandum ni DILG Region 1 Director Paul Leusen Jr. kay DILG Secretary Victor Remulla matapos masuspinde sa kanilang posisyon sina Urdaneta City Mayor Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno, na kapwa napatunayang guilty sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority ayon sa Malacañang.

May dalawang linggo na rin mula nang makordon ng mga tauhan ng DILG at PNP ang City Hall, kaya’t hindi na muling nakapasok ang magpinsang Parayno.

Nilinaw din ng DILG na lahat ng pinirmahang dokumento ng mga Parayno matapos ang suspension order noong January 7 ay hindi kinikilala ng ­Commission on Audit (COA), Land Bank, at iba pang ahensya ng gob­yerno, dahil ito ay illegal at maaaring mauwi sa kasong usurpation of authority.