MANILA, Philippines — Palalakasin ng Department of Health (DOH) ang pagkakaloob ng primary health care sa community level sa pagpapaigting ng PuroKalusugan program at pagbubukas ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa idinaos na Unilab Foundation Partners’ Night sa Novotel Araneta Center, sinabi ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa na isinusulong ng ahensya ang primary health care sa Purok level.
Target ng DOH na makapagtayo ng BUCAS centers para magkapagserbisyo sa 28M mahihirap na Pinoy hanggang sa 2028.
Sa ngayon, mayroon nang 46 BUCAS Centers sa iba’t ibang panig ng bansa na pinamumunuan ng mga medical center chiefs.
Bahagi ng BUCAS centers ang pagpapatupad ng PuroKalusugan program kung saan ang mga barangay health workers at purok leaders ay nagsasagawa ng house-to-house visits para tukuyin ang mga residente na nangangailangan ng serbisyong medikal, magkaloob ng bakuna, at magbigay ng libreng checkups.
Sa ganitong paraan, sinabi ng DOH na masisiguro na ang mga sanggol ay nabibigyan ng bakuna, ang mga senior citizen ay nabibigyan ng karampatang gamutan at ang mga mayroong chronic illnesses ay nakatatanggap ng kinakailangang medikasyon.
