MANILA, Philippines — Opisyal nang inendorso ng Citizen Crime Watch Internationale (CCWI) ang dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Benhur Abalos para sa pagka-senador sa darating na halalan sa Mayo 2025.
Ang pormal na anunsiyo ay ginawa ni CCWI Founder at National Chairperson Mitch Botor sa Membership Meeting ng CCWI Pasay Chapter na ginanap sa Kalayaan Village, Pasay City, na dinaluhan ng mahigit 2,000 miyembro.
Binigyang-diin ni Botor ang mga nagawa ni Abalos noong siya ay nanungkulan bilang DILG Secretary mula Hunyo 30, 2022, hanggang Oktubre 7, 2024. Sa kanyang pamumuno, inilunsad ang programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA), na nagresulta sa 700% pagtaas ng nakumpiskang ilegal na droga kumpara sa mga nakaraang administrasyon.
Pinangunahan din ni Abalos ang makasaysayang integrasyon ng 400 dating rebeldeng Moro sa Philippine National Police (PNP), isang mahalagang hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Noong Setyembre 2024, kinilala si Abalos bilang pinakamahusay na miyembro ng Gabinete, habang ang DILG naman ay pinarangalan bilang pinaka-pinagkakatiwalaang ahensiya ng pamahalaan sa bansa.