MANILA, Philippines — Binigyang-pugay ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mga barangay health worker (BHWs) sa bansa dahil sa kanilang mahalagang papel bilang healthcare frontliners sa panahon ng COVID-19 pandemic at sa pagbibigay ng mahalagang ugnayan sa pagitan ng mga komunidad at ng public healthcare system.
Ginawa ni ni Tolentino ang pagpupugay sa kanyang pagdalo sa pagdiriwang ng ‘BHWs Day’ — kung saan nagtipon-tipon ang libu-libong BHW mula sa iba’t ibang lokalidad sa buong lalawigan ng Cebu.
Itinampok sa okasyon ang pagpapasa kamakailan sa Senate Bill No. 2838 o ang ‘Magna Carta of Barangay Health Workers’ na naglalayong bigyan ang sektor ng buwanang honoraria, at benefits packages na kinabibilangan ng allowance, insurance coverage, at career advancement.
Sinabi ni Tolentino sa kanyang talumpati na ang mga kontribusyon ng BHWs ay madalas na nakaliligtaan ngunit nahayag sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.
“Panahon na para iangat ang kanilang katayuan, kasama na ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataong makakuha ng civil service eligibility,” dagdag ng senador.