PCG: 2 Pinoy vlogger pro-China ang content


MANILA, Philippines — Pakana at kagagawan umano ng dalawang Pinoy vloggers ang ­malisyosong fake news campaign na idinedepensa ang China at sinisiraan ang posisyon ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ang ibinunyag ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Tri Comm ng Kamara hinggil sa fake news at disinformation campaign.

Sinabi ni Tarriela na sina Anna Malindog Uy at Ado Paglinawan ay madalas maglabas ng content na ipinagtatanggol ang China.

Sa mga post nito, sinisisi nila ang PCG tuwing may komprontasyon sa West Philippine Sea at idinedepensa pa ang China Coast Guard.

Isang ikinadismaya ni Tarriela kay Uy ay nang sabihin nitong ang PCG ang bumangga sa barko ng China.

Maging ang mga Chinese na sangkot sa POGO ay ipinagtatanggol din ng mga ito.

Sinasabi rin ng mga vlogger na walang Chinese spies dito sa bansa.

Si Paglinawan naman aniya ay sinabing kabaliwan lamang ang isyu ng WPS at inakusahan ang mga Senador ng kawalang respeto sa paglilitis laban kay dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.