MANILA, Philippines — Sumikad pa ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na dumaranas ng gutom sa bansa noong Marso 2025.
Batay sa resulta ng non-commissioned survey ng Stratbase-Social Weather Stations (SWS), ang bilang ng mga mahihirap na pamilyang Pinoy na nakaranas ng total hunger ay lumundag sa 35.6% noong Marso, mula sa dating 26.4% noong Pebrero.
Base sa datos, ang total hunger o kumbinasyon ng moderate at severe hunger, ay nagsimulang tumaas mula noong Enero 2025 (22.3%) sa mga tahanang ikinukonsidera ang kanilang sarili na mahirap.
Bahagya rin itong tumaas sa mga non-poor families ng mula 16.2% noong Pebrero hanggang 18.3% noong Marso.
Base pa rin sa survey, ang porsiyento ng mga pamilyang Pinoy na nagsasabing sila ay mahirap ay tumaas din ng isang puntos, o naging 52% noong Marso, mula sa dating 51% lamang noong Pebrero.
Nabatid na ang estimated numbers ng self-rated poor families ay nasa 14.4 milyon na noong Marso, mula sa dating 14.3 milyon noong Pebrero.
Anang SWS, ang isang puntos na pagtaas ng nationwide self-rated poverty ay kumbinasyon nang bahagyang pagtaas nito sa Visayas at Balance Luzon at bahagyang pagbaba naman sa Mindanao at Metro Manila.
Nabatid na ang porsiyento naman ng borderline poor families ay nasa 12% noong Marso, o bahagyang bumaba mula sa 13% noong Pebrero at 14% naman noong Enero.
Samantala, ang mga tahanan namang nagsasabi na sila ay hindi mahirap, ay nananatili sa ‘record-high’ na 36% sa tatlong magkakasunod na buwan, simula noong Enero.
Ang naturang survey ay isinagawa noong Marso 15-20, 2025, sa pamamagitan ng face-to-face interviews at nilahukan ng may 1,800 rehistradong botante sa buong bansa, na nagkaka-edad ng 18-taong gulang pataas.
Mayroon itong sampling error margins na ±2.31% para sa national percentages, ±3.27% para sa Balance Luzon, at tig- ±5.66% para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
