Tingog, Lakas-CMD ikakasa unity rally sa Eastern Visayas para sa Alyansa bets


MANILA, Philippines — Isang malaking regional unity rally ang ikakasa ng TINGOG Partylist at Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa pamumuno ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Eastern Visayas kasama ang iba pang political parties sa Tacloban City.

Target nitong mapagsama-sama ang mayorya ng 3-million Waray voters bilang suporta sa senatorial slate ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.

Inaasahang magtitipun-tipon sa nasabing unity rally ang anim na provincial governors, 13 district lawmakers, at nasa 10,000 community leaders at volunteers, gayundin ang 7 city mayors, at 136 municipal mayors.

Ayon kina Tingog Party-list representatives Yedda K. Romualdez at Jude Acidre, ang aktibidad ay magpapakita ng unified voice ng buong Eastern Visayas region sa isinusulong na Bagong Pilipinas ni Pangulong Marcos.

Ang Lakas-CMD ay magsisilbing co-host sa grand rally na katatampukan ng motorcade sa Tacloban City, at susundan ng unity program sa Tacloban Astrodome, kung saan inaasahang ilalahad ng lahat ng Alyansa senatorial candidates ang kani-kanilang plataporma.

Ang Eastern Visayas ay mayroong three-million registered voters at inaasahang magbibigay ng game-changing political bloc sa 2025 elections.